| KALYE KUNDIMAN |
| TITLE HERE | SUBTITLE HERE |
| contact me: email aim yahoo | friends: link link link link | links: link link link link |
|
ITS MY STYLE
2.06.2004
May galos na naman ako. Isa sa kanang siko, isa sa gilid ng kaliwang braso, malapit din sa kaliwang siko. Sayang, nauna ang thesis proposal defense ko kaysa sa pagkakagalos na ito. Mas marami sana akong kinailangang pangatuwiranan. Ngayon, gusto ko nang bumalik sa San Pablo: apat na araw pa lang ako rito sa QC, pakiramdam ko, namayat na agad ako. Nung Martes, masikip sa akin ang pantalong suot ko ngayon (na suot ko na sa loob ng apat na araw), pero kaninang umaga, mukhang kailangan kong magbelt. Isusuot ko na sana ang kaisa-isa kong belt nang maalala kong maluwag nga pala ito sa akin kaya hindi ko na ginagamit. Muntik ko na tuloy gamitin ang pantalong binili ko nung Lunes, pero mahaba nga pala iyon sa akin at kailangan ko pang paputulan sa San Pablo (hindi na ako magtutupi ng laylayan, sabi ko sa sarili, kung ayaw kong masira agad ang pantalon). Kaya ngayon, maya't maya ang pagtataas ko sa beywang ng pantalon kapag naglalakad ako (na hindi ko masyadong ginagawa kaya narito lang ako sa loob ng cubicle at nakaupo at nakapagsulat tuloy ng entry ngayon). Kagabi, napanaginipan ko, nagkaroon daw kami ng high school reunion. Pero iyung edad namin, pakiramdam ko, nasa second year college pa lang kami. Sa bakuran daw namin ginanap. Gabi na nang dumating ako, naroon na sina Janus, Sherwin at Mark. May dala si Janus na alak na nasa berdeng lalagyan. Lasing na si Ronchie dahil marami na silang ipinainom dito. Sabi ni Janus pagdating ko: "O, tingnan nga natin kung kaya ni Egay 'to." At tinagayan ako ng isang buong baso. Kulay kapeng may gatas. Inamoy ko. Amoy kapeng may gatas. Paano nalasing si Ronchie dito? Baka naman niloloko lang ako ng paningin at pang-amoy ko. Ininom ko. Straight. Wala, lasang kapeng may gatas. Niloloko ba ako ng mga ito? Pero nag-iba na ang frame ng panaginip ko. Dumating daw si Anwar, may dalang dalawang malaking travelling bag at isang malaki ring backpack. Galing Lucena, sa amin na siya dumiretso, naisip ko. Noong tinawanan niya ako, noon ko lang naalala na noon nga lang pala kami ulit nagkita. Napalakas tuloy ang boses ko: "Kumusta?" Pero bago siya sumagot, nag-iba na naman ang frame. Ngayon, nagtotong its na kami. Nung magtatapon na ako ng baraha, saka ko lang nakita na katabi ko pala si PM, nakapulang T-shirt. Ngumiti lang siya, pero iyung ngiti na mukhang dadamputin niya ang tapon ko. Ngumiti lang din ako, pero iyung ngiti na mukhang paanod lang 'yung tapon ko. Ramdam na ramdam ko: tong its ako pagbalik sa akin ng ikot. Pero hindi ako nakatong its dahil nag-iba na naman ang frame. Ngayon, nagshu-shoot kami ng kung ano. Ako ang direktor, gaya noong nasa fourth year kami na pinaghahandaan namin ang pagpapalabas ng dulang El Filibusterismo para sa buong school. Pero ngayon, mukhang teleserye ang ginagawa namin. Pero nagtatawanan kami dahil marami sa amin, nakasuot-payaso. Natatandaan ko lang, sinabi ko: "Kailangan natin ito." At pakiramdam ko, naintindihan nila ang ibig kong sabihin. Ako lang, nang magising na ako, sa tingin ko, ang hindi nakaunawa. 1.23.2004 Okey, uminom na naman ako kagabi, pero dahil ayoko na ulit magsulat (sa ngayon) ng blog entry na "walang clincher, walang insight, walang point," sa madaling sabi, 'yung entry na, um, wala lang, e hindi na ako magbabalita ng mga nangyari kagabi: tutal e supporting role lang naman ako sa lahat ng kuwento kagabi. Kaya malamang, may mga magsusulat tungkol dun ngayon, bukas, o mamaya lang, alinman kina: Jeline (na birthday celebrant kahapon, at may bago na palang blog e kagabi ko lang nalaman), Mikael (na magkakablog na rin kung sa wakas e hindi na muna niya poproblemahin ang template), o Naya (na masipag magsulat ngayon sa blog at wala akong ideya kung bakit). Kaya heto: engKanto ng Panaginip "The best time for me to write is when other people are asleep. I am not needed in their dreams." --Elizabeth Jolley, "Dipt Me In Ink" Nitong mga nagdaang gabi, hindi ko na naman naaalala ang mga panaginip ko. Kapag bumabangon tuloy ako, parang may kulang. Lagi'y parang may mahalagang pangungusap na hindi nasabi, sa isang kaibigan halimbawa ("Hindi dahil hindi na ako nagsasalita ay wala na akong sinasabi."), o sa taong iniibig ("Sinabi ko na ang lahat ng makakaya, hayaan mong kayanin ko naman ang lahat ng mga sinabi."). Oo nga pala, maaaring iisang tao lang sila. Hindi ko madalas maalala ang panaginip ko. Kaya siguro mas marami akong tula tungkol sa mga pagkakataon na hindi ako makatulog ("Penomenolohiya ng Takot," halimbawa) kaysa sa mga posibleng laman ng panaginip. Sa pinakabagong isyu ng Heights, naroon ang kuwento kong "Project: EYOD" (na sa kasamaang palad e naging biktima ng maling formatting: malabo na nga ang kuwento, lalo pang gumulo, dahil nakaligtaang i-italicize ang mga bahaging dapat e iset in italics). Malinaw sa akin nang isinusulat ko ito na masyado ang pagkamangha ko sa mundo ng panaginip. Naisip ko: kung ibang mundo ang panaginip, kung nananaginip tayo ng ibang mundo, sino ang nananaginip sa mundo natin? Noong bata ako, kinukulit ako nitong panaginip tungkol sa isang buwitre na kumakain sa laman ko. Ang totoo, pinagmunihan ko na ito sa isang papel para sa klase ko noon sa Developmental Psychology upang unawain kung bakit ako binubulabog ng ganitong uri ng panaginip. Magtatago na ba ako ng dream journal? Handa ba akong gumising nang madaling-araw, anumang oras, para lamang itala ang mga panaginip ko? Para saan? Para kanino? Kung hindi ko ba sila itala, hindi ko na ba sila maaangkin? Hindi na ba sila akin? Naalala ko siguro itong panaginip dahil binanggit ni Naya sa pinakahuli niyang blog entry ang Sandman series. Nasubaybayan ko rin iyon kahit ang mga offshoot nitong The Dreaming, Books of Magic at Hunter. Gusto kong mabasa ulit ang mga ito. Matagal-tagal na noong huli kong mabasa ang mga ito. Nasa Cervini pa ako, kasama pa sa kuwarto si Jeremy, na hindi pa rin alam hanggang ngayon na hindi naman talaga siya nagsasayaw sa pagtulog. Sa klase ni Ma'am Beni may isang taon na mula ngayon, pinagsulat niya kami ng isang tula tungkol sa ipis. Kahit ano raw. Eto ang nasulat ko. Panaginip Isang sipi sa magdamag: nginangatngat ng ipis pitong pisi ng pangarap na sala-salabid sa isip. 1.18.2004 Nitong nagdaang limang araw, tatlong beses akong nakipag-inuman at madaling-araw na rin akong nakakatulog dahil sa kalasingan. Martes ng madaling-araw, sa dorm sa Xavierville. Si Dennis: "Egay, inom tayo." May isang bote pa ng Gilbey's at Fundador sa kuwarto namin ni AJ. May natira pa rin silang Ginebra dati. "Walang chaser, at mahilig kang magyaya e tinutulugan mo ako." Pero si Dennis, hindi ko matanggihan, lalo pa't alam ko na mayroon ding "gumugulo" sa isip niya noong mga panahong iyon. "Timpla ka, kahit 'yung iced tea dun sa mesa." Basta ako, walang pasok, lagi kong sinasabi sa kanila. 3/4 pa ng GSM cuatro cantos, halos napuno rin 'yung pitsel nang matimplahan ko ng iced tea. "O, tagay mo." Pasado alas-tres na yata nang matulog kami ni Dennis nun. Una kaming sinukuan nina Ted at Ruel, alas siyete y medya yata ang pasok nila kinabukasan. Mamaya-maya, nagpaalam na rin para bumaba sa kuwarto nila sina Abeng at Len. Noon lang ulit kami nakapagkuwentuhan ni Dennis nang gano'n: seryoso. Maya-maya, tulog na siya sa sofa. Buti't ubos na 'yung gin. Pinatay ko lang ang ilaw sa sala at pumasok na rin ako sa kuwarto. Nagising ako nang alas-otso ng umaga. Martes ng gabi, mula sa QC pauwing San Pablo. Imbes na dumiretso sa bahay, inihabilin ko ang mga gamit ko kina Kuya Budz at dumiretso ako kina Giewelle. Nagtext siya habang nasa bus ako: "Pasyal tayo sa plaza." Magfifiesta sa San Pablo noon at gabi-gabi'y may street party at beer fest (mula Jan. 7 -15) sa kahabaan ng Rizal Avenue habang may iba't ibang tumutugtog at performers. Dumating si Carlo Aquino at Salbakuta (yes, stupid!) noong gabing iyon, pero wala akong pakialam sa kanila. Nakita ko ang mga kaklase ko noong high school--sina Adino, Geof at Jeff. Panoorin ko raw ang Bridal Shower (napanood ko na kanina, sa wakas) dahil nandoon 'yung kaklase namin, si Senen (siya 'yung ka-eyeball dapat ni Cherry Pie mula sa internet; medyo tumaba nga si loko). Nakita ko si Paul, ipinaalala na magpapainom siya sa mismong araw ng fiesta dahil birthday din niya nun (natuloy ang inuman, mamaya 'yung detalye, pero hindi siya dumating: tama si Kuya Budz, sa 10 sinabi niya, 16 ang hindi totoo). Siyempre, nakita ko sina Mharra (may chaperon, ang bunso niyang kapatid, si Lottie) at sina Adonis at Aaron. Pero ang inupuan namin e ang mesa kasama si Genesis at ang mga pinsan nito at kaibigan ng pinsan nito (ang isa e sa Liceo din grumadweyt, mas bata sa akin ng 2 taon). Kuwentuhan, inuman, parang matatagal nang magkakakilala. Pasado alas-dose, inihatid ko si Giewelle sa kanila. Kuwentuhan ulit, inuman pa rin, hanggang sa mapansin naming kumokonti na ang tao mga bandang alas-tres. Dahil 'yung isa, si Eds, e taga-Calamba, ipinasyal muna namin. Naglakad-lakad kami hanggang makarating kami sa Sampalok Lake. Doon kami nagpatuloy ng kuwentuhan. Mga bandang alas-kuwatro y medya, nagkayayaang magmami. Ansarap. Noon lang talaga ulit ako nakakain ng mami sa San Pablo. Pagkatapos, isinakay namin sina Eds at Ryan sa biyaheng Calamba-Crossing. Inihatid namin sa may 7-11 sina Genesis, Jeje at Jaybee. Tapos inihatid ko sa sakayan nila si Henry. Naglakad ako pabalik kina Kuya Budz at sarado pa rin. Alas-sais, sarado pa rin. Nagpasya akong balikan na lang kinahapunan ang mga gamit ko. Umuwi na ako. Gising na si Lolo. Diretso ako sa kuwarto. Nagising ako nang ala-una ng hapon. Huwebes, fiesta sa San Pablo. Nagkita-kita kami nina Genesis, Johnny, Aldwin, at Jimson para makipamiyesta kina PeeGee. Nakita namin doon sina Julius, Nino at Jomarck. Pagkatapos, dumiretso kami kina Giewelle. Mag-aalas sais na ng gabi nang pumunta kami kina Kuya Budz. Naroon na sina Rommel at DJ, nakakatig-dalawang Red Horse na nga. Maya-maya, binuksan na ni Kuya Budz ang Alfonso. Hindi pa rin ako umiinom. Hintayin ko na si PM, sabi ko sa kanila. Pasko 2002 pa nang huli kaming magkita ni PM, inuman din noon, at 'yun ang huli kong naaalala na nagsuka ako dahil sa pag-inom, at siyempre, si PM ang nag-asikaso sa akin. Bandang alas-otso dumating si PM. Nagsimula na ring dumating ang iba. Si Michelle, dumaan din. Pasado alas-diyes nang dumating sina Mharra, Adonis at Patik mula sa UPLB (may exam daw si Mharra hanggang 9pm kaya hinintay nila). May report pa raw si Tano kaya hindi nila kasama. Inihatid namin ni Adonis si Mharra bandang alas onse. Nakita namin sina Vianney at Veno sa daan. Pagbalik namin, naroon pa rin sina Ryan, Giewelle, Patik, Adonis at PM. Tulog na si Rommel sa isang sofa. Maya-maya sumunod na si DJ. Kuwentuhan pa rin. National at local politics. Tungkol sa JHNS. Lovelife ng mga tao. Asaran. Hindi ko na alam kung nakakailang Red Horse na ako. Maya-maya, nangangawala na rin ang mga tao. Kanya-kanyang diskarte na ng tulog. Hanggang sa kami na lang ni PM, noon lang ulit kami nakapagkuwentuhan. Si PM na anim na taon ang nakakaraan e kasama ko sa halos lahat ng gimik. Napag-usapan namin 'yung isang PM na may asawa't anak na ngayon. Kapag kami-kami na lang talaga, alam namin na puwedeng hindi kami magbiruan kapag barkada na namin ang pinag-usapan. Nagsimula na siyang magligpit habang nakaupo lang ako. Naiisip ko, lasing na ako. At kailan kaya kami magkikita-kitang magkakabarkada na hindi kinakailangang mag-inuman. Pero antok na antok na ako noon. Hindi ko na sinabi. "Happy Birthday na lang." Birthday ni PM sa susunod na Huwebes, January 22, at alam ko na imposibleng magkita kami (may trabaho siya at malamang, nasa QC ako noon). Nahiga sa sofa si PM. Humiga ako sa sahig sa pagitan nina Kuya Budz at Adonis. Nagising kami nang bandang alas-sais (wala na si PM, umalis siya bago mag-alas singko at nagtext na lang sa akin, ansarap daw ng tulog ko kaya hindi na niya ako ginising), nagkape at pandesal muna, at saka ako umuwi sa amin para ipagpatuloy ang pagtulog. Nagising ako nang alas-dose ng tanghali. Tsk, may thesis nga pala akong dapat na pinagkakaabalahan. 12.15.2003 Gusto ko lang ibalita na may website na ang banda ng kaibigan ko, si Chris, ang Dirty Kitchen. Puwede n'yong makita ang skeds ng gigs nila at idownload ang mga kanta (mp3 format) at lyrics dito. Astig ito! Pinakagusto ko ang Ride at Ulan. 11.22.2003 Pasakalye Pinakinggan kong muli ang album na Pasakalye ni Noel Cabangon (hindi pa rin ako nakabibili ng kanyang Medjas hanggang ngayon!) at tinugtog ang kanyang “Dito sa Kanto” (una itong kinanta ng Apo Hiking Society nang maging finalist ito dati sa Metropop). Dahil siguro kasabay kong binabasa noon ang El Folklore Filipino ni Isabelo de los Reyes (oo, nagtatrabaho talaga ako para sa thesis ko), pumasok sa isip ko ang salitang “engkanto” (sayang nga lang, Kastilang encanto at hindi ang katutubo nating mga anito ang pinagmulan). Dahil doon, rumagasa ang alaala (pasensiya, hindi pa rin ako makawala sa cliché na ito) at nakasulat ako ng kung ilang meditasyon ukol sa iba’t ibang bagay (para talaga akong naengkanto!), at hanggang ngayo’y patuloy pa ring nagsusulat sa tuwing nababagot sa mga librong kailangang basahin para sa thesis. Tinawag ko silang Serye ng engKanto. Heto ang simula. engKanto ng Kalye 1. May engkanto ang mga kalyeng walang laman. Kaya nga halos mabaliw ang tauhang ginampanan ni Tom Cruise sa simula ng Vanilla Sky nang makita niyang halos walang gumagalaw sa kalye maliban sa kanya at sa kanyang sasakyan. O ang mga kalyeng nagsusumiksik ang mga sasakyan. “Prusisyon ng makikintab na kabaong” para kay may Ma’am Beni ang trapik dyam na ito. Minsan, may mga kalyeng makitid na makitid (kagaya halimbawa rito sa baryo namin, kung saan kapag nagkasabay ang dalawang trak, may mga gulong na kailangang lumapag sa gilid ng kalsada). At may maluwang, gaya ng South Superhighway na halos hindi ko na makilala noong pauwi ako kamakailan lang matapos ang halos limang buwan na pag-inog ng aking mundo sa mga kalye ng Katipunan at Xavierville. 2. Paborito ko ang mga tulang kalye ang lunsaran, nakikita ko man nang tuwiran o hindi ang kalye sa tula (klasiko na ang “The Road Not Taken” ni Frost, pero mas pinaisip ako ng “Bypassing Rue Descartes” ni Milosz). Kaya siguro, hindi maiwasang marami sa mga tula ko, kalye rin ang tagpuan. Pag-aabang sa Kundiman. Pasada. Alibugha. At iba pa. Nagbibiyahe man, nag-aabang ng masasakyan, o basta nakatigil o naglalakad sa tabi ng daan, ang persona. Ito siguro ang dahilan kaya pinakagusto ko ang “Habang Naghihintay sa Dyip” sa mga tula ni Yol na ipinagdiriwang ang gilid ng kalsada, nagpuputik man sa tubig-baha, bunga ng pagpaparaya sa iba, sa iniibig: Hindi ko kailangang magmadali at mag-alalang mayroon sa aking naghihintay dahil alam kong pagod ka, at kailangan mo pang gumising nang maaga. At ilang buwan pa lang ang nakararaan, naengkanto rin ako sa “Pedestrian Crossing” ni Naya. Laging may gayuma ang pagtawid sa mga kalye, sa posibilidad ng mga nakasasalubong at nakaliligtaan, sa mga hindi na makakasalo sa alinmang lansangan, kahit kailan. 3. Noong nasa fourth year high school ako, nahumaling nang todo-todo ang batch namin sa mga sentimental love songs. Mais na mais pero kinakagat ng mga in-love na in-love, o bigong-bigo sa pag-ibig, o kahit ng mga kagaya ko noong frustration ang pagkanta at pagtugtog ng gitara. Nagpapasa-pasa sa klase ang cassette tapes nina Barry Manilow, David Pomeranz at ng Bread. Paborito ko noon ang “The Old Songs” pero siyempre, higit na patok ang “Somewhere Down the Road”—mas marami pa rin talagang optimistiko pagdating sa pag-ibig. 4. Bigla, gusto ko nang mabasa ang The Famished Road ni Ben Okri, kahit nakapila ang mga aklat na kailangang mapasadahan para sa introduksyon ng aking tesis. Pero dahil may resolusyon nga akong hindi muna bibili ng anumang libro (maliban kung kailangang-kailangan ko ito para sa thesis at walang kopya ang Rizal library o mga kaibigan), ikagagalak ko kung sino mang magpapahiram sa akin. Isinulat na dati ni Ernan sa blog niya ang unang talata nito dati, at hindi ko mapigilan ang sarili na ilagay muli rito, at habang walang dumarating na kopya ng libro (sa kagandahang-loob ng kahit na sino), walang masamang tahakin nang paulit-ulit ang kanyang mga salita: "In the beginning there was river. The river became a road and the road branched out to the whole world. And because the road was once a river it was always hungry. "In that land of beginnings spirits mingled with the unborn. We could assume numerous forms. Many of us were birds. We knew no boundaries. There was much feasting, playing, and sorrowing. We feasted much because of the beautiful terrors of eternity. We played because we were free. And we sorrowed much because there were always those amongst us who had just returned from the world of the Living. They had returned inconsolable for all the love they had left behind, all the suffering they hadn't redeemed, all they hadn't understood, and for all that they had barely begun to learn before they were drawn back to the land of origins. "There was not one amongst us who looked forward to being born. We disliked the rigours of existence, the unfulfilled longings, the enshrined injustices of the world, the labyrinths of love, the ignorance of parents, the fact of dying, and the amazing indifference of the Living in the midst of the simple beauties of the universe. We feared the heartlessness of human beings, all of whom are born blind, few of whom ever learn to see." 5. Matagal ko nang paborito ang Beatles. Bata pa ako, tinatanghuran ko na si Tito Joven kapag nauupo siya, bitbit ang gitara at tumutugtog ng mga awitin nila. Kapag tumataas ang frustration level ko sa kahit na anong bagay, binubuksan ko ang media player sa laptop ko (may 102 kanta sila rito), itinotodo ang volume, at nagpapatugtog ng mga awitin ng Beatles, saka ko sasabayan ng pagpasok sa banyo at pagbababad ng kung ilang minuto sa ilalim ng shower. Naniniwala akong may kanta ang Beatles para sa lahat ng pagkakataon at uri ng damdamin, kaya sa kalye pa kaya wala? Kahit si Jing, hindi naiwasang isangkot ang “The Long and Winding Road” sa pagmumuni-muni ng persona sa kanyang tulang “Kabisado” na kabilang sa koleksyon niyang nanalo sa Palanca. Nang mapanood ko ang pelikula nilang A Hard Day’s Night, karamihan sa mga eksena ay paghabol sa kanila ng mga fans nila sa gilid ng kalye. 6. Noong grade school kami, pagkakatapos ng monthly tests, nagpapasiya kaming maglakad pauwi (mahigit 15 minuto ang biyahe pauwi sa baryo namin kapag nakasakay sa tricycle) nina Noel, Vermon, Jesse at Joseph. Nasa Grade 4 siguro kami noon, mga sampung taon. Upang maiwasan ang ragasa ng mga sasakyan sa M. Paulino, pumapasok kami sa eskinita bago tumawid ng Banyadero Bridge. Paglabas namin sa kabilang dulo, highway naman. Takot na takot ako noon kapag tumatawid pero hindi ko ipinapakita sa kanila. Ang nakikita ko’y ang mga naglalakihang trak at humahagibis na kotse, hindi ang mga drayber sa likod ng manibela. Pagkatawid, kami ang gumagawa ng mga sarili naming daan sa gubat sa gilid ng highway. May nagsabi kay Vermon noon na sa Farconville kami lalabas kapag tinalunton ang loob ng gubat. Sa Farconville nakatira si Joseph, puwede pa kaming maglaro sa kanila bago umuwi sa San Gregorio. Madaling makita ang mga dinadaanan ng tao: hindi tinutubuan ng damo ang lupa. Pero hindi nga iyon ang tinutunton namin, kahit medyo kinakabahan, dahil matataas ang niyog, nagkalat ang palapa, mamasa-masa ang damo (katatapos lang siguro noon ng bagyo, o malakas na ulan) at may naririnig kaming mga tumatahol na aso sa hindi kalayuan. 7. Hinuhubog tayo ng mga kalyeng nilalakad. O ito ang gusto kong isipin, kapag naaalala ang mga linggo ng gabi noong nakaraang taon na naglalakad ako sa mga kalsada sa loob at labas ng Ateneo mula sa Barangka patungo sa De La Strada upang magsimba. Sinasadya kong hindi sumakay ng tricycle (bagaman mahirap talagang makakita ng tricycle na maliligaw sa bahaging iyon kapag linggo ng gabi, walang klase, at karamihan ng mga Atenistang nagdodorm ay umuuwi sa probinsiya) upang makapag-isip-isip. Madalas, higit pa kaysa misang dinadaluhan ang naibubungang luwag ng kalooban ng mga paglalakad na ito. At oo nga pala, matagal-tagal na rin akong hindi nagsisimba. 8. Abangan, abangan. Isang kalye na naman ang ilalabas na journal. Malapit na ang paglulunsad ng bagong isyu ng Dapitan sa Disyembre. Kamakailan, tinext ako ni Gelo at tinanong kung sa tingin ko ba’y may progreso ang Panitikan ng Pilipinas sa nagdaang sampung taon. Para raw sa isyu ng Dapitan. Ito ang isinagot ko, na noong mga sandaling iyon ay damang-dama ko dahil kauuwi ko lang ng San Pablo: Kapag narito ako sa Maynila, malapit na malapit sa iba't ibang sentro ng malikhaing pagsulat at pamantasan, at nakikita ang iba't ibang publikasyon at paligsahan para sa panitikan, nasasabi kong malayo na nga ang iniusad ng larangang ito. Pero sa tuwing umuuwi ako sa San Pablo, sa San Pablo pa nga lang (na mahigit dalawang oras lamang ang layo rito), saka ko natitiyak na marami pang kailangang tawirin ang panitikan. Ilan ang mag-uuwi nitong Dapitan sa kani-kanilang bayan? 9. Matapos naming makilahok noong 2001 sa kinikilala ng maraming EdSA II ngayon, nagsulat ako ng pagmumuni-muni para sa klase sa Pilosopiya ng Tao ni Dr. Dy. Third year ako noon. Binalikan ko ang papel na iyon at ito ang bahaging hanggang ngayon ay nakapagpapahina pa rin sa akin: “Ano lamang ba ang mga itinatanong noon sa mga pagsusulit sa klase ko na may kinalaman dito? Kailan naganap ang People Power Revolution? Pebrero 22-25, 1986. Ayos na iyon—na para bang sa pagbibigay ng tamang petsa, hawak mo na ang kasaysayan sa iyong kamay. Maliban doon, wala nang iba pang sinabi ang mga naging guro ko sa kasaysayan—kahit noong tumuntong ako sa mataas na paaralan. Mabuti pa nga ang mga Taong Tabon daw sa Palawan na wala isa man sa amin sa klase ang personal na makapagpapatunay, pinagtuunan ng isang linggong pagtatalo. Kahit naman kapag nasa bahay ako, walang nababanggit ang lola ko at mga tiyo’t tiya ukol sa mga nangyari noong 1986. Masaya na sila nang minsang masagot ko nang tama ang hindi nasagot ng kalahok sa Battle of the Brains isang Sabadong sama-sama kaming nanonood ng TV—na ang ibig sabihin ng EDSA ay Epifanio de los Santos Avenue. Ngunit ngayong naaalala ko iyon, nahihiya ako sa sariling isipin na iyon nga lamang ang kahulugan ng EDSA.” 10. Kamakailan lang, naisulat ko ito para sa isang kaibigan na laging takot tumawid. (Naalala ko tuloy ang una kong game & watch noon na wala akong kailangang gawin kundi tumawid lang nang tumawid sa kalsada at iwasan ang mga dumarating na sasakyan. Kapag nabunggo nang tatlong beses, game over na.) Alam ko, marami pang problema sa tula. Pero hindi ko ito maupuan upang rebisahin, lalo na ngayong alam kong mas maraming kailangang ayusin sa buhay ko. Pagtawid May pangalan ang ganitong takot, gaya ng mga kalyeng tinitirikan ng poste sa bawat kanto. At totoo ito, tulad ng paglawak ng mga lansangan habang kumikitid itong pananalig natin sa mga kailangang tawirin. Maaga nating natutuhan ang pagtingin sa kaliwa at sa kanan bago magtungo sa kabila ng daan. Pinalaki tayong takot masaktan kaya't tinitiyak natin ang hagibis ng mga paparating pa lamang na sasakyan: silang malayo pa marahil ang pupuntahan, o huling- huli na siguro sa tipanan. Ipinapaalala ng kanilang busina ang ating mga pangamba: kung paanong tinatawid natin itong kalsada ay laging may alinlangan tayo sa ngalan ng mga daan at ng daan-daang pangalan at pagsasaalang-alang kapag ganitong nasa gitna pa lamang ay nagbeberde na ang ilaw para sa mga sasakyan at kapwa tayo natitigilan. Pasakalye 11.03.2003 Araw ng mga kaluluwa kahapon at hindi ko na nagawang bumalik sa sementeryo. Narito lang ako sa bahay--nagbasa at nakinig ng musika maghapon. Tumawag si Ryan bandang alas-otso ng gabi. Tumaba raw siya, siya na ang nagsabi; ako rin yata, sabi ko. Sayang at paluwas na uit siya bukas, malamang ay matagal-tagal pa ulit bago kami magkita. Akala ko nung una, si Kuya Ivan. Ayaw kasing magpakilala. Nakatutuwang nagawa ko pa rin siyang makilala kahit sa boses man ang sa telepono. Isa si Ryan sa mga nasa unang batch ng JHNamers, isa sa 40 batang pinag-rectoran ko noon. Araw ng mga kaluluwa, at nalimutan kong sa 40 iyon, nauna na nga palang namaalam si Edcel. Ang naging kontrobersyal na si Edcel dahil pinagtalunan pa noon nina Kuya Buddy at Kuya Ivan kung dapat bang tanggapin sa org sa kabila ng pagsali siya ng fraternity dati. Si Edcel na batang-bata pa'y napakagaling nang maggitara at binubusog sa harana ang mga pagpupuyat namin para sa mga vigil noon. Si Edcel na sa kabila ng pagiging matapang sa lahat ng bagay (kahit sa magulang at sa kuya; kapag pinaniwalaan niya ang isang bagay, kakapit siya rito nang mahigpit at walang makapipigil sa kanya) ay may natatagong lambing. Si Edcel na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapaniwalaang nalulong sa masamang bisyo--nong mga panahong pinakakailangan niya kami at wala kami roon. Ikinalulungkot ko pa rin ngayon na wala ako nang gabing mabunggo ang motorsiklong minamaneho niya. Na hindi ko man lang nagawang umuwi para sa libing niya. At nakalimutan ko pang dalawin ang puntod niya nitong undas. Wala na nga pala si Edcel. Naaalala ko, magkasabay kaming naglalakad noon pauwi dahil nanood kami ng dula sa St. Peter's Seminary. Gabi na, at nagkataong naroon din siya; hindi namin talaga siya kasama; matagal na siyang nanamlay sa JHNS noon. Magkasabay lang kaming naglalakad, nasa unahan namin ang ibang bagong mga miyembro. Matagal bago ako nakapagtanong: Kumusta? Ngumiti lang siya, iyung ngiting-Edcel, iyung ngiting nakaloloko, iyung ngiti niyang hindi mo malaman kung nagpapapungay ba siya ng mata o high na naman. Saka niya sinabi, buong-buo: Masaya ako, kuya Egay. Tumango lang ako at saka namin pinag-usapan ang iba't iba pang bagay. Ang mga kaklase niya noon na kasama sa 39 na iba pang naiwan (pero nasa kung saan-saan na rin siguro ngayon). Si Pio, na hindi ko malimutang pinipitik-pitik pa ang tenga ko sa gabi ng pagtatapos ng Days nila noong 1998 at pinipilit ako, kinukulit, "babalik ka sa sportsfest natin ha, kuya Egay, ha?"; ang pinakachickboy sa lahat na isa sa dalawang una sanang magku-quit sa org kung hindi ko sinadya isang araw sa school nila at kinausap nang masinsinan at sinabihang masyado akong nalungkot nang ibalita sa akin ni Kuya Budz na nagsauli sila ni R-jay ng pin ng JHNS. Si R-jay, ang pinakamasipag sa kanila na iang beses na sumulat sa akin pagkatapos ng Days nila para lang mangumusta at sabihing natutuwa siya sa pagiging magkapatid namin (wala siyang kuya, puro babae ang nakatatanda niyang kapatid). Si One, na sa kabila ng kakulitan ay siyang pinakaseryoso sa kanilang lahat at pinakamalalim mag-isip tungkol sa buhay, ayaw man niyang paniwalaan. Nasaan na nga ba sila? Sina JR, Nikki, Jason, John-john, Davy? Si Edu, nakita ko nga paa si Edu nang papunta ako sa sementeryo nung isang araw. Kapag nakikita ko sila, laging ayaw ko nang umalis sa San Pablo. Ayaw ko nang tumanda; kung sana'y makababalik ako sa mga taong iyon na masyadong masaya ang buhay. Nagkacaroling kapag Pasko. Nagkukuwentuhan lang tuwing hapon hanggang gabi. Kapag may pasok ay inaabangan nila sa clubhouse ang pag-uwi ko mula sa Maynila at nag-uunahan sa pagbibitbit ng bag ko. O kung sembreak naman kami at sila ang may pasok, ako ang naghihintay sa kanila. Lagi ngang ang masaya ay ang noon. Nalimutan ko si Edcel, araw ng mga kaluluwa, at nalimutan ko rin na may 39 na iba pa nga palang kaluluwa na buhay, at itinuring ko lahat bilang mga tunay na kapatid. Hindi ko pa rin malilimutan na ang isa sa pinakamasaya kong gabi ay nang malaman kong nang ininterbyu silang 40 ni Kuya Budz, halos dalawang taon lang matapos ang Days nila, at tanungin sila kung may favoritism ba sa amin, kung sino ba ang paborito ko, halos lahat sila'y nagsabi na siya ang paborito ko. Maibalik ko sana iyon. Magawa ko sanang maipadamang muli sa lahat ng mahahalaga sa akin, sa bawat isa sa kanila, na para bang siya, siya nga ang pinakaespesyal. Nang ikinuwento ko sa kanila na halos lahat sila'y nagsabi na siya ang paborito ko, natawa sia. Iyun lang, walang selos, walang inggit. Napakadalisay ng pag-ibig ng mga bata--at kahit ilang taon siguro ang lumipas, bata silang mananatili sa aking isip. Sa dulo ng lahat ng ito, isa sila sa mga ibig kong manatili. Sila. 11.01.2003 2. Ngayon lamang yata ang undas sa alaala ko na hindi umulan, o umambon man lang. Hindi rin mainit na mainit--tamang-tama lang para hindi na namin kailanganing maglagay ng habong. Maliban dito, wala namang nagbago: andami pa ring nagbago. Totoo, wala ka nang madaanang walang puntod, kung saan may espasyo, sinisiksikan ng patay. Kulang na lang siguro'y ilibing nang patayo ang mga kabaong. Bago ako nakarating sa puntod ni Inay, katakut-takot na "makikiraan po" ang kailangan kong sabihin at may kung ilan ding nitso ang kinailangan kong yapakan. Nandoon na si Tita Ayen, Lola Mama, Lola Ate at Undan. Maya-maya, sunud-sunod nang dumating ang iba pa. Si Tito Athan. Si Uncle Jeff. Ang pamilya nina Lola Belen. Ang pamilya nina Lola Nene. Hindi ko naiwasang isipin na ilang taon lang ang nakararaan, kasama si Inay sa mga nakikiumpok at nakikipagkuwentuhan (bumabangka) sa mga kamag-anak. Umupo ako sa tuktok ng lapida ng kung sino sa gilid ng nitso ni Inay. Mas nakita ko ang paghangos ng mga tao mula sa iba't ibang dako--galing/papunta sa kung saan-saan: sa peryahan, o sasakay siguro sa ferris wheel iyung dalawang dalagita na anlawak ng pagkakangiti kahit tumatagaktak ang pawis; may isang binatilyong patalun-talon sa ibabaw ng mga nitso, may dalang dalawang bote ng 1.5 litro ng coke; may mga nagtitinda ng chicharon, itlog ng pugo, balut, at kung anu-ano pa; panay ang paypay ng diyaryo, karton, ng mga nakaupo sa kung saan nakahanap ng magandang puwesto. Nangangalay na ang kanang binti ko sa pagkakaupo. Noon ko naisip: kapag nakaluwag ako sa pera, ipapalipat ko sa memorial si Inay--kung saan hindi masikip, hindi maingay, hindi mainit. Pero naisip ko rin agad, malamang ay hindi pumayag sina Tita Ayen. Sa mga panahong gaya nito na nga lamang kami nagkakatipun-tipong magkakamag-anak, nagkakakuwentuhan hanggang gabi. Malamang, hindi nga sila pumayag. Gabi na nang dumating sina Tito Joven. Sila ang namiss ko: ang mga kakulitan ng mga pinsan ko--sina Kevin, Eth, Aiel at Karen. Sumabay na kami ni Tita Ayen sa kanila pag-uwi. Hero raw sa basketball game nila kamakailan lang si Kevin, at nahuhumaling talaga sa pagdodrowing. Mag-aaral daw ng gitara sa susunod na buwan. Grade 5 na si Kevin; sinabi ko kay Tito Joven na subukang i-apply sa isang taon sa Philippine High School for the Arts--major in visual arts, minor in music. Okey 'yun, frustration ko pareho. Si Eth naman, mas mga hilig ko ang nasusuungan--pagsusulat. Lagi raw nananalo sa essay writing contests; first kamakailan lang. At nananaba rin; wala raw kainang inuurungan. Si Aiel (ang pinakapaborito ko, ang kapag makikita ako kahit hanggang ngayon e nakangiti agad at tinatawag pa rin akong bespren; hindi siya pumayag na hindi ako katabi sa kotse pag-uwi), grade 3 na pala at nag-aaral ng violin, kaya raw niya ang tugtog ng Cedie, at may performance pa sa school kinabukasan. Nagba-ballet lessons naman si Karen (grade 1) kaya kamakailan lang e kinailangan siyang samahan ni Tito Joven para manood ng Darna sa CCP. Lumalaki na silang lahat pero nang makita ko sila, hindi ko naisip na malaki na nga pala sila--niyakap ko pa rin sila't hinalikan at hiningian ng halik. Tuwang-tuwa naman sila. Saka ko lang naisip, ngayon lang, na nung ako ang nasa grade 3, grade 5, nahihiya na ako kapag hinahalikan ako ni Tito Joven sa pisngi o siya ang nagpapahalik sa akin. Sa mga pagkakataong ganoon, kailangan kong magpanggap na bata pa ako talaga. Natatawa ako ngayon kapag naiisip na bata pa ako'y nagpapanggap na akong bata. Gusto kong bumalik sa panahong iyon--na magpanggap man ako'y kapani-paniwala. Puwede pala iyon: naiinggit ako kina Aiel sa kanilang pagiging bata ay lalo ko silang minamahal. Tuwang-tuwa nilang ikinuwento sa biyahe ang mga kilala nilang wrestlers at kung paano namatay si Ultimate Warrior sa laban nila ni Hulk Hogan. Masuwerteng mga bata. Matagal-tagal pa siguro bago maging totoo sa kanila ang kamatayan. 10.31.2003 "We're all wounded--we carry our wound around with us throughout life and eventually they kill us. Things happen that leave a mark in space, in time, in us." --Six Feet Under, episode 2 Hindi ko pa rin maiwasan na mag-isip kung ano ang mga nagbago at hindi nagbago sa tuwing umuuwi ako rito sa San Pablo. Nakatulog ako sa bus habang pauwi nung isang gabi. Nang magising ako, akala ko'y nakalampas na naman ako. Hindi ko nakilala ang mga puno sa gilid ng highway. Minsan na akong nakalampas sa dapat kong babaan dati, maghahatinggabi pa naman noon at hindi ko alam kung may dadaan pang sasakyan pabalik. Mabuti't hindi naman pala ako lumampas. Wala pa nga kami sa Sto. Tomas. Hindi ko alam kung bakit tumagal nang ganoon ang biyahe. Mag-aalas-otso na noon. Halos dalawang oras na simula nang makaalis kami sa terminal ng bus sa Kamias. Pagdating ko sa San Pablo, hindi na pala pumapasok sa loob ng bayan ang bus, kahit gabi na. Bumaba ako sa tapat ng Medical Center at umarkila ng tricycle hanggang sa amin. Malayo pa ako sa gate, tumatahol na naman ang mga aso. Hindi nga nila ako makikilala; hindi ko na rin sila kilala. Tuwing umuuwi ako'y nadaragdagan sila. Kunsabagay, humigit-kumulang limang buwan din pala akong nawala. Wala sana akong balak pumunta sa bayan, kung hindi nga lang naubusan ako ng pera at kailangan kong mag-withdraw para mabayaran ang kandila para kay Inay. Nag-check din ako ng email atbp. Pagkatapos, bumili ako ng internet card para rito sa bahay na ako mag-iinternet. Nitro. Sobrang bagal; kinailangan kong tigilan kung ayaw kong maunang maubos ang pasensya ko kaysa sa credit. Kung bakit naman kasi ito na lang ang card na puwede para sa PT&T. Imposible talagang pumunta ako sa bayan nang wala akong makikitang kakilala. Nagkasalubong kami ni Johnny. Tuwang-tuwa. Masaya rina ko dahil siya ang kauna-unahang JHNamer na nakita ko. Sayang daw at nakaalis na si Christian, hindi na kami nagpang-abot. Pag-uwi ko sa bahay, tumawag si Kuya Budz (naitawag agad sa kanya ni Johnny na nagkita kami)--nasa kanila rin daw si Macoy at nagyayaya ng inuman. Gustuhin ko man, hindi ako puwede. Walang tao rito sa bahay at kahit wala namang sinasabi sa akin na bantayan itong bahay, naramdaman ko na hindi ako dapat umalis. Kinuha ko na lang ang numero sa bahay ni Aaron. Tinawagan ko: naliligo. Nalimutan ko nang tumawag ulit. Birthday n'ya kahapon. Birthday naman ni Tom ngayon, at nabati ko na siya kanina pang umaga. Noong isang gabi, nagpa-miss call si Adonis. Bigla, namimiss ko silang lahat. Akalain mong limang taon lang ang nakararaan, nasa first year high school sila at first year college kami nina Jeff, Anwar, PM, Dennis, Erick--at parang napakaganda ng mundo at napakalawak ng posibilidad at napakarami ng maaaring gawin, kahit na may kinakaharap kaming mga problema sa loob at labas ng JHNS, sa sari-sarili naming mga pamilya, sa amin mismong mga pagkakaibigan. Naisip ko noon: handa akong mamatay para sa kahit sino sa kanila. Katatawag lang ni Phillip kanina at kauuwi rin lang daw niya ng San Pablo kaninang umaga. Bago niya ibinaba ang telepono, sinabi niyang ipinagdarasal niya akong lagi. Hindi masabi sa kanya, siya na mananatiling batang kapatid para sa akin kahit ngayong seminarista na siya, hindi ko masabi na matagal-tagal na rin akong hindi nagdarasal, sumisimba. Wala nang natirang ritwal dito sa aking pananalig. Ang sinabi ko lang: salamat. At kaygaan na ng loob ko. Handa akong mamatay para sa kahit sino sa kanila. Gusto kong matawa ngayon sa romantisismo ko noon. Pero alam ko noong mga panahong iyon, kung may gagaw man noon para sa akin, sa kanila rin magmumula. Sila ang unang nagturo sa akin na magmahal--sa hindi man lang kaanu-ano--bata at inosenteng pagmamahal. Masyado siguro akong napalayo sa kanila nitong nagdaang dalawang taon kaya marami akong nalimutan tungkol sa pagmamahal na iyon. Hindi ako luluwas ng Maynila nang hindi ko nakikita, kahit sa malayo, ang ilang kaibigan. 3. Para kina Naya at Yol: 20 taon mula ngayon. O mula nung gabing uminom tayong tatlo. Hindi ko nalilimutan. Hindi ko malilimutan. Pero hindi ngayon. Hindi pa. Pasensiya na. 10.29.2003 Isusumpa ko ang araw na ito. At alam ko: itong araw na gusto kong limutin ang siyang mananatili. Matutulog na ako at bukas (o mamaya--paggising) magsisimula ang paglimot. Kaya ko ring sukuan ang ilang bagay, kahit ang pinakamahahalaga. Tao nga pala ako. Iiwan ko na sila, at magpapatuloy. 10.27.2003 3. Nakita ko kaninang umaga sina Olive at Chris; galing sa jogging. Tuloy talaga sila sa Mindoro sa Huwebes. Hindi ko masabi na hindi ako makasasama sa maraming dahilan. Sinabi ko na lang ang pinakaobvious: magto-Todos los Santos na at kailangan kong umuwi nang mas maaga sa 31 dahil siguradong matraffic na sa Biyernes. May mga araw at gabing gumigising at natutulog pa rin akong iniisip na buhay pa si Inay--nasa San Pablo lamang, at daratnan ko anumang oras na umuwi ako. Kaya siguro takot din akong umuwi. Noong 16, dalawang taon na pala. Umulan nang malakas bandang alas-tres ng hapon. Nung isang taon, magkakasama kami nina lolo sa bahay, babang-luksa. Ito ang unang taon na kinailangan kong harapin ang araw ng kanyang kamatayan nang mag-isa. At ginawa ko. Alam kong kailangan kong kayanin itong una--sa una lang naman laging mahirap ang lahat. Makasasanayan ko rin. Pero sa isang banda, natatakot akong kasanayan ang katotohanan ng kanyang kamatayan. Wala akong ginawang ritwal bilang pag-alala. Bumaba ako mula sa Pinoy dept., dala lamang ang payong ko. Naglakad hanggang KFC. Sumakay ng tricycle. Nagpahatid sa kanto ng Aurora. Nagbiyahe sa dyip hanggang Cubao. Malakas pa rin ang hampas ng ulan. May bagyo siguro noon pero hindi ko nabalitaan. Pumunta ako sa National Bookstore. Binili sa 4th floor ang Annie John ni Jamaica Kincaid. PhP75 lang. At pagkatapos, gusto kong isipin na wala na akong ginawa pagkatapos. Ito ang una kong ihihingi ng tawad sa puntod ni Inay sa Sabado. 10.26.2003 It's the end of October and every sad pumpkin in the world wears a grin. --Silvia Curbelo Pasado alas-nuwebe ng gabi nang magtext si Naya; nasa loob pa ako ng sinehan sa Megamall at pinapanood ang mga huling eksena ng Underworld. Imbes na bumalik sa dorm pagkatapos naming (ako, QT, Morny) dalawin sa Medical City si Kalon (nanganak na siya: babae: Keya Aisha-- a-yi-sha, hindi ay-sha, sabi ng nanay), nagpasya akong manood ng sine. Sulit naman: laging may kamangha-mangha rito sa pagpasok sa mundo ng mga wala-sa-realidad (o nasa-ibang-realidad?) gaya ng mga bampira at taong-lobo. Naiisip ko tuloy: ano'ng katapat na kasaysayan ng ating mga manananggal-kapre-tikbalang-atbp. na ilang dantaon na rin sa ating kamalayan. Nasaan na sila ngayon? Anong sigalot mayroon sa pagitan ng kanilang mga uri? 2. Pagdating sa Megamall kanina, hinanap ko agad sa Tower Records ang Either/Or album ni Elliott Smith (na nabasa ko sa blog ni Ramon kahapon). Wala. Mabuti na rin; kung meron, malamang ay binili ko. Ang nakita ko: may bago nang album si John Mayer (na gaya ni Smith ay ipinakilala rin sa akin ni AJ, mag-iisang taon na ang nakararaan, noong bagong-lipat pa lang ako sa dati naming dorm sa Barangka)--Heavier Things. Sampung kanta. Pinakinggan ko ang unang lima. Pigil na pigil ako sa pagbili. PhP450 rin iyon; isa pa, malamang ay magkakaroon naman ng kopya si AJ. 3. Kailangan ko na palang magtipid, at mag-ipon: magdadalawang taon na akong nagtuturo at libro ang dumarami sa akin. Walang ipon. Resolusyon: iiwasan ko nang bumili ng libro (kahit sa Booksale!), DVD (kahit pirated; kunsabagay, pirated lang naman talaga ang kaya kong bilhin), at manood ng sine (maliban kung Matrix Revolutions ito, o Return of the King, o libre/mura dahil kasali sa kung anumang filmfest mula sa ibang bansa). Pakunsuwelo: marami pa naman akong nakapilang libro na gusto ko rin namang mabasa (pero hindi ko magawa ngayon dahil sinisimulan ko nang halukayin ang Rizal Library para sa mga libro na makatutulong sa aking MA thesis), at pelikulang puwedeng panoorin (kopya ko man o hiram sa iba; sa ngayon, nakapila ang episodes ng season 1 ng CSI; isang episode bawat gabi bago matulog--episode 12 na ako mamaya). 4. Mula pa rin kay Naya, at kailangan ko na silang tanggalin sa inbox ko na napupuno na ng text niya:
Gayunpaman, pipilitin kong mabuhay--para sa kanila, at sa mga pagkakaibigang nasusugatan lamang, subalit hindi namamatay sa alaala. 10.25.2003 Ipinangako ko kahapon sa sarili ko: paninindigan ko ito. Humaharap ako sa araw-araw na pagbabago at nakalilimutan kong may mga nananatili--gaya nito, itong pagnanasa na magbasa lang at magsulat maghapon. Pinapatugtog ko ngayon ang XO ni Elliott Smith. Nagpakamatay pala siya: sinaksak ang sarili sa dibdib (nang ilang ulit!) na para bang kinikilala na naroon--nasa puso--ang sentro ng buhay. Na ang mabuhay ay dumama. Na ang sinukuan niya, sa bandang huli, ay ang pagdama. Marami na sila: mga manlilikha sa iba't ibang larangan na ipakikilala sa atin na may nananatiling ganda rito sa mundo, kahit sa lungkot ng mundo, sa mundo ng lungkot, sa pamamagitan ng kanilang mga obra. At pagkatapos, pagkatapos ay ganito nga: babawian ng buhay ang sarili--na para bang pagkatapos ng lahat, ng tumutugtog ngayong "Bled White" ni Smith halimbawa, ay kanila pa rin lamang ang kanilang sarili. Lungkot kaya? Pero hindi ba't kaya natin tinatapos o iniiwan na ang isang bagay--ang isang kuwentong isinusulat, halimbawa--ay sapagkat kuntento na tayo? Kuntento na kaya si Smith--silang lahat na tumapos at iniwan na ang lahat? Mamaya siguro, gagawa ako ng e-mail para kay AJ (wala na siya rito sa dorm; hindi ko man lang nakumusta ang concert ng ACGC kagabi). Siya ang nagpakilala sa akin kay Smith; hindi ko alam kung alam na niyang nagpakamatay ito. O baka hindi na rin. Para saan ba ang pagbabahagi ng kamatayan ng iba? Kataas-taasan, ang masasabi ko lang: aj: alam mo bang namatay na noong isang araw si elliott smith? nagpakamatay siya. sayang. :egay Sayang. Ganoon lang: sa lahat ng wala tayong nagawa o wala nang magagawa: sayang. Sayang lang. Iiwan kong tumutugtog si Elliott Smith ngayong magdamag at kukumbinsihin ang sarili na wala, walang sayang, lalo na kung pinagpasyahan nang taimtim ang lahat, kahit ang pagpapatiwakal. May lungkot lamang--at hindi laging may panghihinayang sa bawat lungkot. 10.06.2003 "The witness who writes out of extremity writes his or her wound, as if such writing were making an incision. The self is fragmented and the vessel of self breaks into shards ... At the site of the wound, language breaks, interrogates itself, becomes tentative, kaleidoscopic." --Carolyn Forche Text ni Naya kagabi 'yung quote sa itaas. Nitong mga nagdaang linggo, matindi ang pagkahumaling ko sa sugat. Ang totoo, kahit sa comps ko pa lang (na hindi pa rin lumalabas ang resulta hanggang sa ngayon), isinangkot ko na ito. Ito ang bagay na gusto kong tutukan sa paggawa ng tesis sa susunod na semestre. Naaalala ko noong bata pa ako, madalas akong masugatan dahil sa paglalaro. Pero madalas, mapapansin ko na lang ito pag nakauwi na ako. At si Tita Ayen pa ang madalas na unang makakita. "Napaano 'yan?" sasabihin niya. Itatanong ko agad: "Alin?" At saka ko lang makikita na may mahaba na palang daloy ng dugo sa kaliwang binti ko, nasabit siguro sa alambre sa pagtawid-tawid namin sa bakuran nina Na Lina sa pagtataguan. Kapag nakita ko na 'yung hiwa, saka ko lang mararamdaman ang sakit. Noon pa lang, alam ko na: hindi nakasasakit ang sugat na hindi natin nalalaman. Kaya imbes na matakot maglaro, lalo akong nahumaling sa sikyo, tumbang-preso, patintero, lahat ng maaaring magnakaw ng atensiyon ko para malimutang nagnanaknak pa ang sugat ko sa tuhod dahil sa pagkahulog sa bike nang minsang pangahasan kong iangkas sa unahan si Ate Girlie na mas malaki at mas mabigat kaysa sa akin. Problema kapag tag-ulan at hindi ako pinayagang maligo sa ulan dahil may sipon ako o ubo o lagnat o kumbinasyon ng alinman sa tatlo: napipilitan akong harapin ang iba't ibang sugat sa katawan. Napupuna kong naglalangib na pala ang sa ilalim ng kanan kong siko na napakayod sa gaspang ng kalsada nang nadapa ako sa paghabol kay Ambet. At kukutkutin ko nang kukutkutin hanggang sa matanggal ko ang langib, at makitang sariwa pa sa ilalim. Magdudugo nang kaunti pero agad kong tatabunan ng dinurog na penicillin. Noong mas bata pa ako, kapag sa kamay ako nasusugatan, halimbawa'y biglang nagdugo ang kanan kong hintuturo dahil nahiwa sa pagbubuklat ng pahina ng isang libro, sinisipsip ko iyon at iniisip na magiging aswang ako balang araw. Ngayon, hinahanap ko iyong mga sugat sa katawan. Hindi ko inakala noon na mayroon palang maaaring makasakit kahit hindi pa man dumarating. "Lagi ka kasing nag-iisip," laging sinasabi ng isang kaibigan. Hindi, hindi naman. Nagkataon lang na madalas umulan nitong mga nagdaang araw at hindi ko magawang maghubad at maligo sa labas, sa ilalim ng ulan, kahit ngayong ipinagmamalaki kong hindi ako dinadapuan ng sakit: walang lagnat, walang ubo, wala kahit kaunting sipon man lang. 10.02.2003 Maraming hindi sana nangyari. Pero dahil gusto kong paniwalaan na ang pinakawalang-silbing emosyon ay panghihinayang, gusto ko na silang kalimutan. Upang mas mapahalagahan ang mga bagay na naganap na dapat ipagpasalamat. Ubod. Matutuloy na rin, sa wakas. Naeengganyo akong magrebisa ng mga tula, kahit nga dapat ay ang mga papel ng estudyante ko ang iwinawasto ko ngayon. October medal. Oktubre na nga pala kahapon. Nagmisa sa Gesu, hindi ko alam (masyado akong maraming iniisip), at hindi ko rin alam kung sisimba ba ako kung naalala ko. Nagsimba sina Dennis; pagbalik niya sa dorm, ibinigay niya sa akin ang isang medal mula sa misa. Okey rin kapag ganitong may mga nakaaalala lalo na kapag nakalilimot ang iba. Naya. Birthday na ni Naya sa Biyernes. Magkasama kami kagabi. Pero pareho kaming pagod para makapagkuwentuhan talaga. Pero magkasama kami, at sa maraming pagkakataon, sapat na iyon. Amelie. Kagabi ko lang napanood ang Amelie. Gusto ko nga kasing pasayahin ang sarili. Salamat, madali akong nakatulog pagkatapos. Vlad. Para sa napakahabang Martes. At sa maraming bagay. Make-up classes. Pitong oras at kalahati ang klase ko ngayong araw na ito. Nakakatatlo na ako. Mabuti, nakikisama ang mga estudyante ko. Masaya naman ang mga naunang klase kanina. Mabuti't nakangiti nilang haharapin ang hell week sa susunod na linggo. Philip. Tumawag si Philip kagabi, ipinapaalala ang pagpunta ko sa seminaryo sa Sabado para dalawin siya. Investiture ng mga bagong seminarista. Kaya hindi ako makakadalo ng LIRA, sinabi ko na kay Ronald. At malapit nang matapos ang semestre. Kailangan ko ito, kailangan kong magpahinga sa maraming bagay. Kahit, oo, nanghihinayang pa rin ako sa kanila. 9.26.2003 Usapan Nalunod tayo kahapon sa salita at kapwa alaalang lulutang-lutang na lamang ngayon. Walang naisalba ang panahon.
layout name: express yourself --
layout by: nyokiglitter
|